“Lydia, gisingin mo ang mga kapatid mo. Malapit na akong matapos dito. Kakain na tayo.” Ito ang pinakahihintay na katagang gustong marinig ni Lydia mula sa inang nagluluto sa kusina.

“Oho”, ang maikling sagot ng pitong taong gulang na bata. Nakaupo s’ya sa malamig na banig habang maingat na nilalagay ang blusang puti sa karton na kinalalagyan ng kanyang mga damit. Gagamitin n’ya ito sa unang araw ng pasukan sa susunod na buwan. Maliksing tumayo mula sa kinauupuan at binuhat ang karton na nakalapag sa mga tinagpi-tagping sako na sadyang tinahi ng ina upang gawing kulambo sa maginaw na gabi. Isinantabi muna ito, dahil sa ngayon mas kailangan muna n’yang punan ang nananabik nang sikmura. Ibinalik ang karton sa dating kinalalagyan nito, sa isang sulok ng malawak na silid-tulugan ng buong pamilya.

Sa pagmamadali ay nakalimutan na tuloy gisingin ang mga kapatid. Makakalimutin. ‘Yan ang parating dahilan kung bakit siya napapagalitan. Ngunit may isang bagay na hindi n’ya talaga kinalimutan, ngayong gabi kanin na ang kakainin nila sa hapunan. Ginising n’ya ang mga natutulog na kapatid, “Neneng…Len-Len…Totoy…gising na. Kakain na raw tayo”, habang maingat na iniwasan ang nakausling kawayan sa sahig at dahan-dahang bumaba sa dalawang baitang na hagdan.

“Bumaba na kayo riyan!” medyo nilakasan pa n’ya nang konti ang boses upang bumaba na ang mga nakababatang kapatid habang kinukiha mula sa mesa ang mga tira-tirang dahon ng kangkong at balat ng gabi. At pinunasan ito ng basahan.

“Hay! Sa wakas, kakain na rin kami. Parang nanginginig na kasi ang tuhod ko e” ang laman ng isipan ni Lydia habang nagpupunas ng mesa.

Lumabas ang ina ni Lydia mula sa kusina dala ang mangkok at ang maitim na kaldero naman sa kabilang kamay. Inilagay ni aling Nema ang mangkok sa mesa at binuhos ang mainit na sinabawang kangkong at gabi.

“Hmmm…mukhang masarap ‘yan nay ah? Siguradong ‘sin sarap din ‘yan ng gulay mong gabi at talbos ng kamote kaninang umaga at tanghali.” pampalubag-loob na pagpuri ni Lydia sa mukhang pagod na ina mula sa bukid. Alam na n’ya ang lasa ng gulay ng kanyang ina. Ito na kasi ang kanilang ulam sa agahan at tanghalian, at tanging sinaing na saging at kamoteng-kahoy mula sa lupang sinasaka ng ama sa Luhib, medyo may kalayuan mula sa kanilang bahay. Magtatatlong araw ng ganito ang kanilang pamilya, “root crops” at gulay, sa araw, at lugaw at gulay naman sa gabi.

“Sana, kanin na ang kakainin namin bukas. Kahit mais na bigas nalang” ang tanging hiling ni Lydia habang kumakain kasama ang buong pamilya. Ilang kainan na nga bang ganito ang kanyang tanging hiniling? At ilang gabi na rin ba s’yang nabigo at umasang muli? Ngunit, malakas ang loob n’yang sa pagkakataong ito ay mapagbibigyan na s’ya sa kanyang munting hiling.

“Para kay Itay, kay Inay, Neneng, Len-Len, Totoy, at sa akin”. Sinimulan na ng masiglang bata ang paglalagay ng mga plato, habang pinagmamasdan ng walang kibong ama na nakaupo sa kabilang dulo ng mesa. Nakaupo na rin ang kanyang mga nakababatang kapatid na mukhang mas gusto pa atang matulog.

“Nay, nakahanda na po rito”, sabik na pinaalam ang ina.

“OO, andyan na. Sandali nalang.”

Mas lalong nanabik si Lydia sa narinig. Napangiti. Hinawakan ng kaliwang kamay ang plato at ng kaliwa naman ang kutsara. Sininghot ang mainit na sabaw ng gulay. “Gusto mo na rin bang kumain Totoy?” Tumango lang ang tatlong taong gulang na bunsong kapatid.

“Kanin na ang Kakainin natin ngayon!” Masayang ibinalita ni Lydia sa antok na kapatid.

“Talaga Ate?”

“OO! Nakita ko kasing may dalang bigas si Tatay kanina mula sa Talisay.”

“’Yong bigas na puti ate? hindi ‘yong dilaw?”

“OO! Di ba ho ‘tay?” hiningi ang pagsang-ayon ng ama tungkol sa mga sinabi nya sa mga kapatid.

“Ah…EH…” ang sagot na naghahanap ng katanungan para ama. Hindi alam kung anu ang isasagot sa nakikitang kasiyahan at pananabik sa mga mata ng walang kamalay-malay na anak.

“Kain na tayo” anyaya ng inang lumabas mula sa kusina.

“Yehey”

“Sa wakas!” sabay buntong hiningang tugon ni Lydia. Ngunit, nagtaka si Lydia kung bakit mangkok, na s’yang nilalagyan ng lugaw tuwing gabi, ang nasa kamay ng kanyang ina. “Ah, baka ‘yong tirang gulay lang kaninang tanghali.” sinubukan niyang kumbinsihin ang sarili.

“Iniwan n’yo pa po ang kanin ‘don sa kusina Nay? Ako nalang ho ang kukuha.” at akmang tatayo.

Bahagyag natigilin ang ina ng marinig ang sinabi ni Lydia.

“Wa…walang ng naiwan don anak. Ito lang muna ang kakainin natin ngayong gabi.” Tugon ng tila nahihiyang ama. Biglang nakita ang kalungkutan sa mukha ng anak. “pagkasyahin na muna natin ang dala kong bigas upang may makain tayo tuwing gabi hanggang makahiram ako ng pera upang ma…….’yong kaunting palay na d’yan. Hindi rin kasi matatanim dahil wala talagang tubig para sa sakahan.” Mangiyak-ngiyak na paliwanag ng ama.

“Hayaan n’yo, ‘pag nagkabigas tayo, sasaing ako ng marami. Tatlong beses na tayo kakain sa isang araw. Araw-araw!” Pampalubag loob ng kanilang ina. “Pero, sa ngayon, ito lang muna ha?” Ang mga katagang lumalabas sa kanyang mga bibig habang nilalagay ang lugaw sa plato ng mga anak.

Mabilis ang pagsubo ng mga kapatid ni Lydia. Walang imik n’yang pinagmamasdan habang masayang sinusubo ang lugaw sa kanilang mga gutom na bibig. Kumakalam na rin ang kanyang sikmura.

Nagsimula na rin s’ya sumubo. Wala rin naman palang pinag-iba ang isinusubo n’ya sa kanin. Parehong nangunguya at parehong tinatanggap ng walang laman na bituka. Ang isang subo ay naging dalawa, tatlo…

“kain pa”. Mangiyak-ngiyak na sabi ni Totoy. Natigilan siya nang narinig ang iyak ng bunsong kapatid. Wala na palang lugaw ang kanyang plato at inabot ang platong nangangalahati. Tumahimik ulit ang paligid ng tumigil sa pag-iyak si Totoy. Napangiting na lamang s’ya nang nakitang mabilis ang subo nito, habang pumapatak ang luha sa plato.

“Sayo na yan” narinig ni Lydia ang boses ang ama. Iniaabot pala nito ang kanyang plato.

“ Hati tayo ‘tay.” Anyaya n’ya sa ama.

Ngumiti si Lydia nang tiningnan ang mga mata ng amang nakatitig sa kanya.

Napangiti na lamang ang kanyang ama habang unti-unting pumapatak ang mga luhang namumuo sa kanyang mga mata.

“Salamat sa kanin ‘tay”. Ang malumanay n’yang pasasalamat sa ama. At habang nginunguya ang isinubong pagkain ay kusa s’yang nanalangin: “Salamat po Diyos ko sa mga biyayang iyong ibinigay. Higit sa lahat, sa kanin na aming pinagsaluhan. Amen.”